Image of a nail clipper, from Pixabay

“Panghimuko (Nail Clipper)”

Image of a nail clipper, from Pixabay

Dekada otsenta nang ipanganak sa simpleng Baryo ng Madagem si Makneg. Siya ang pang-siyam sa labing-isang magkakapatid. Halos taon-taon noon kung magluwal ang kanilang nanang kung kaya’t naglalaro sa isa hanggang dalawa’t kalahating taon lamang ang pagitan nilang magkakapatid.

Maagang pumasok sa pag-aasawa ang kanilang mga magulang dahil na rin sa naabutan ng mga itong tradisyon sa kanilang baryo noong kapanahunan nila. Ang mga nankakay at nankababkes (elders) sa kanilang baryo ang siyang pasimuno ng pag-iisang dibdib ng kanilang mga magulang, sa pamamagitan ng isang kaon (arranged marriage). Labing-anim pa lamang noon ang kanilang nanang at dalawampu’t limang taon naman ang kanilang tatang. Sa awa ni Kabunian, maluwalhati naman ang pagsasama ng kanilang mga magulang sa kabila ng hirap sa buhay.

Matagal-tagal na ring panahon ang lumipas mula ng huling nakatuntong si Makneg sa Baryo Madagem. Pagkaraan ng labintatlong taon ay ngayon lang siya muling nakatapak sa kanyang baryong sinilangan. Kahit sinong makakakita sa kanya ngayon ay hindi lubos-maisip na siya ang batang madalas tuksuhin bilang si “mutegan Makneg” (Makneg na sipunin). Noo’y marungis sya kung tingnan. Nanlilimahid ang katawan sa pinaghalong pawis, sipon at ang pinakapaborito nilang laruing magkakapatid na putik. Binubuhusan ng kaunting tubig ang dakot ng lupa at hinuhulmang kunwa-kunwariang plato, mangkok o kahit anong kaya ng kanilang mga kaisipang maabot. Madalas nilang ipunas sa kanilang mga damit ang maruruming kamay, na siyang gamit ding pamunas sa pawis at sipon. Ni hindi nila alintana ang kanilang mga itsura. Ang tanging mahalaga ay ang kaligayahang kanilang tinatamasa mula sa mga simpleng bagay sa kapaligiran.

Habang nakatanaw si Makneg sa Bundok Dakiwagan, kung saan malinaw pa ring makikita ang natural na pagkaka-ukit ng Inang kalikasan sa mukha ni Santa Claus napansin niya ang malaking pagbabago sa mukha ng bundok. Nang dahil sa mga unos na dumaan, lumawak ang animo’y bunganga neto at nangangailangan ng mas matiim na pagtitig para maaninag ang hugis ng mukha, para malimi mo ng husto ang mukha ni Santa Claus kung ika’y baguhan pa lamang sa kanilang baryo.

Kasabay ng mga pagbabagong kanyang napuna sa kapaligiran ang animo’y rumaragasang tubig na pagbuhos ng mga alaala ng kamusmusan. Napakislot si Makneg sapagkat para bang narinig niya ang kanyang nanang na nagsasalita, “Makneg, magsibak na kayo ni Nal-et ng kahoy at paubos na ang panggatong”. Napakislot siyang bigla sa kanyang kinatatayuan at muling naglakbay pabalik sa kamusmusan.

Nakatira silang magkakapatid sa isang simpleng kubo. Tanging and kurtinang gawa sa tinahing supot ng harina na nakasuksok sa isang alambreng nakasabit sa gilid ng kanilang kubo ang nagsisilbing partisyon sa tulugan ng mga lalaki at babae. Magkakatabi silang magkakapatid na nakahiga sa papag na gawa sa kawayan. Ang tanging pinagmumulan ng kanilang ilaw sa gabi ay mula sa isang maliit na gaserang gawa sa lata ng malaking sardinas at bote ng 4×4 na gin. Madalas ay pinapatay nila kaagad eto, wala pang alas otso ng gabi para makatipid sa gas. Habang nag-aagaw ang liwanag at dilim ay maaga silang kumakain ng hapunan para may liwanag pa. Ang tanging libangan nilang pamilya sa tuwing nagpapaantok sa gabi ay ang pakikinig ng drama sa luma na nilang radyong transistor. Kapag malakas ang araw, ibinibilad pa nila ang baterya ng radyo sa paniniwalang mas mapapatagal ang buhay ni to.

Alas tres y medya pa lamang ng madaling araw ay maaga nang nagigising ang kanilang mga magulang para magkape at maghanda sa pagbabanat buto. Ang kanyang pangalawang kapatid, si ate Ladsak ang nakatoka sa pagsasaing at pagluluto ng kape. Bawat isa sa kanila ay inaasahang gising na at nakapag agahan na, alas singko pa lamang ng umaga. Bawat isa ay may nakatokang trabaho. Kinakailangan nilang makapag-igib ng tubig mula sa bukal, kinse minutos ang lalakarin mula sa kanilang kubo.

Bawat isa ay kailangang magsipaghanda para sa mga nakatokang gawain at para sa pagpasok sa paaralang may isang oras pang lakaran ang layo mula sa kanilang baryo. Sa kabila ng hirap sa buhay na kanilang pinagdadaanan, napakahalaga para sa kanilang mga magulang na sila’y makapag-aral. Naniniwala ang mga eto na ang tanging pamana para sa kanilang mga anak; para mapabuti ang kanilang kinabukasan ay ang matuto ang mga etong bumasa’t sumulat. Napakasuwerte nila sa aspetong eto, bagama’t elementarya lamang ang natapos ng kanilang mga magulang ay napakalaki ng pagpapahalaga ng mga eto sa edukasyon.

Ang kanilang pagmamay-aring kasuotan ay iilang piraso lamang. Madalas ay bigay lamang ang mga eto ng kanilang mga naka-aalwang kamag-anak sa Siyudad ng Baguio. Masuwerte ng maituturing kung ang sukat ay sakto sa kanila, kadalasan ay malalaki ang mga damit o dili kaya’y bitin. Madalas din silang maghiraman ng damit na magkakapatid lalo na sa tag-ulan. Nang dahil sa layo ng kanilang kailangang lakarin, basa na sila sa pawis pagdating sa kanilang paaralan kung kaya’t kadalasan ay maasim na ang kanilang amoy kahit pa kaliligo lamang bago pumasok.

Madalas ay nakapuwesto si Makneg sa pinakadulong upuan sa likuran, malapit sa may bintana. Tahimik lamang siyang nagmamasid at nakikinig sa kwentuhan ng kanyang mga kaklase. Hindi siya gaanong nakikipaglaro’t nakikihalubilo sa mga eto dala ng pinaghalong hiya at awa sa sarili. Nahihiya siya sapagkat pakiramdam niya ay kaiba siya sa kanila. Kung hindi sobrang luwang ng kanyang damit, madalas naman ay bitin eto at may kasikipan. Ang sapin ng kanyang mga paa’y halos pudpud ng gomang tsinelas, ang Spartan. Kapag nakakaluwag ang kanyang mga magulang, ang Spartan and madalas bilhin ng mga eto para sa kanila sapagkat subok na daw ang tibay. Ni hindi sila pwedeng magpalit ng tsinelas hanggat di pa nabubutas o napipigtas. Minsan nga, kahit pigtas na ay kumukuha pa rin sila ng alambre itinatahi para maari pang pakinabangan.

Hindi rin miminsang nakaramdam siya ng awa para sa sarili, lalo na pagsapit ng tanghalian sa kanilang paaralan. Ni minsan ay hindi naman niya naranasang hindi makapagdala ng baon ngunit malimit na kilaban (kaning bahaw) lamang ang kanyang dala, walang ulam na kasama. Wala rin siyang baunan noon kaya sa supot ng pinagkainang tinapay nakabalot o sa dahon ng saging ang kanyang baong kanin. Madalas din ay kalahati na lang ang naiiwan pagsapit ng tanghalian. Ang kalahati ay siyang nagsisilbi niyang meryenda. Mabilisan niyan inuubos ang baong kilaban sa likod ng kanilang sili-aralan. Hindi siya sumasabay sa kanyang mga kaklase sa pag-aalalang tutuksuhin siya kapag nalamang tanging kilaban lamang ang kanyang baon, ni walang ulam. Minsan, kapag may nahuhuling bakbak (edible frog) ang kanyang mga kuya, yun ang nagsisilbi nilang pambaon na magkakapatid.

Likas na mahiyain si Makneg sa klase. Hindi siya masyadong palakibo. Hindi dahil sa ayaw niyang makihalubilo ngunit pakiramdam niya ay malayong naka-aangat sa buhay ang kanyang mga kaklase kaya’t madalas ay tahimik lamang siyang nagmamasid. Paborito siya ng kanilang guro sa ikalawang-baitang. Paborito siyang utusang manguha ng dahon ng saging para magsilbing pampakintab sa sahig ng kanilang silid-aralan, paboritong utusang magdilig ng mga halamang namumulaklak at paboritong tiga-bura mga tapos ng aralin sa pisara. Ni minsan ay hindi sumama ang kanyang loob, natutuwa siyang makatulong sa kanilang guro.

Naalala pa ni Makneg ng minsan ay kausapin ng kanyang kuya Sugit ang kanilang tatang na huminto na lamang ito sa pag-aaral at tumulong sa pagsasaka para mabawasan ang kanilang gastusin. Nagalit ang kanyang tatang at nagsabing ano man ang mangyari, huwag na huwag silang susuko. Balang araw, ngingitian din daw sila ng kapalaran at kakasihan ng tagumpay. Minsan ay hindi niya maintindihan ang kanyang nanang at tatang. Kahit na hirap na hirap na ang mga ito sa gawaing bukid, sa pagtatanim at pagbubuhat ng mga gulay na madalas pang masira tuwing may bagyo; ni minsan ay hindi niya kinaringgan ang mga ito ng pagsuko. Umaasa ang kanyang mga magulang na pasasaan ba’t mapapabuti rin silang magkakapatid.

Minsan sa isang buwan, tuwing ikalawang Lunes ay isa-isang sinisiyasat ng kanilang guro na si Gng. Kedey Maangat ang kanilang mga kuko. Dala-dala ang kanyang may isang metrong haba na pamalo, gawa pa sa pinakinis na sanga ng bayabas. Habang lumalagutok sa sahig ang takong ng may kataasan nitong sapatos, halos magwala sa kanyang dibdib ang nakabibinging kabog ng kanyang puso. Sino ba ang hindi kakabahan, mabait si Gng. Maangat ngunit sobrang istrikto. Kabilin-bilinan niya na dapat naputol ang mahabang kuko ng mga estudyante at dapat lamang na malinis. Bawat estudyante ay ilalapag ng nakabukas at nakadikit sa upuan ang kanilang mga kamay para mabistahan ng kanilang guro ang mga may marurumimg kamay at kuko. Tiyak na palo sa kamay ang aabutin ng sinumang hindi nagsipaglinis ng kanilang mga kuko. Dapat ay sanay na si Makneg na napapalo ang kanyang mga kamay. Suki na siya ng gurong pagalitan at pagsabihan. Umaasa siya na ngayong Lunes ay kaiba sa mga nakaraang buwan, na dapat ay hindi siya makakatikim ng palo sa kamay. Pinaghandaan niya ang araw na eto, kinagat-kagat niya ang kanyang mga may kahabaang kuko para kahit papaano ay umiksi, ang kinalabasan nga lamang ay mas nagmukha itong madungis.
“Makneg, how many times will I tell you that…” animo’y umaalingawngaw na litanya ng kanyang guro. Oo nga, maraming beses na. Kung may nakakaalam sana, sa totoo lang ay wala silang sariling panghimuko sa bahay. Madalas nakikihiram lamang sila sa kanilang Auntie Mapteng ngunit ng masira ito noong nakaraang taon, hindi pa nakakaluwas ang kanilang tiyahin sa Baguio para makabili muli. Hindi prayoridad ng kanilang mga magulang ang panghimuko. Ang mas inaalala ng mga ito ay ang maisasaing at pambili ng kanilang papel at lapis.

Ipinikit na lamang ni Makneg ang kanyang mga mata ng mapatapat sa kanyang harapan ang guro. Siguradong mapagsasabihan na naman siya’t mapapalo sa kamay. Naghintay siya, makalipas ang ilang segundo, ni hindi pa rin dumadapo ang pamalo sa kanyang mga kamay. Nakapagtataka ring wala siyang narinig na pagsinghap mula sa kaklaseng napalo. Naisip niyang marahil ay nakapaghanda ang iba. Marahil ay siya lamang ang hindi nakapagtabas ng kuko. Pikit ang isang matang sinilip niya ang kanyang guro. Nagulat siyang makita na nakangiti ito at animo’y bumata ng sampung-taon ng kababakasan ng pang-unawa ang kanyang mga mata. Sa malumanay na tinig sinabihan lamang siya ng guro na mag-uusap sila pagkatapos ng klase.

Masinsinang kinausap ni Gng Maangat si Makneg. Pinuri siya ng guro sa kanyang kasipagan, sa pagtulong sa kanyang mga magulang at sa mga gawain sa paaralan. Hinikayat siyang pagtuunan ang kanyang ikabubuti. Sariwa pa rin sa kanyang mga alaala ang mga sinabi ng guro, “Makneg, naniniwala akong malayo ang mararating mo. Kinakailangang baguhin mo lamang ang iyong pag-iisip at lumabas ka sa limitasyong ikaw ang may likha”. Hindi rin niya makakalimutan ang araw na iyon, labing apat na taon na ang nakakaraan sa silid-aralan ni Gng. Maangat. Inabutan siya ng panghimuko ng kanyang guro. “Tanggapin mo ito bilang isang paalala. Sa tuwing may mga maduduming agiw ng panghihina at pagsuko na tumutubo sa iyong isipan, putulin mo kaagad. Huwag mong hayaang lumago. Tabasin mo hanggang sa ugat. Ang panghimuko rin na ito ang magpapa-alala sa’yo sa kahalagahan ng paglingon sa pinanggalingan. Gaano man kalayo ang iyong mararating, tabasin mo ang anumang uri ng ligaw na damo ng kayabangan at pag-iimbot na tutubo sa iyong isipan. Manatiling kagaya ng himuko, tahimik at simpleng naglilinis ng dumi ngunit hindi kinakailangang ibalandra. Tandaan, walang malaking nakakapuwing”, matalinghagang pahayag ng kanyang guro. Ang pag-uusap nilang iyun ni Gng. Maangat ang animo’y isang mahikang nagpabago kay Makneg.

Nang dahil sa natanggap na panghimuko, nag-iba na rin ang pananaw ni Makneg sa paaralan at sa kanilang guro. Natuto siyang makisalamuha, na magpakatotoo at hindi ikahiya kung anuman ang kalagayan nila. Naging hamon ang mga eto para mas magpursige siya sa pag-aaral. Nagulat ang lahat ng tumuntong siya sa ikaapat na baiting. Malayong malayo siya sa imahe ng batang palaging nakaupo sa likuran at walang kumpiyansa sa sarili. Naging aktibo siya sa pagsali sa mga palaro at patimpalak sa paaralan. Nagtapos siya sa elementarya na may pangalawang pinakamataas na karangalan.

Sa pag-usad ng panahon, unti-unting umaayos ang kanilang sitwasyon sa buhay. Ang panganay nilang kapatid, si Ate Talaw ay nakapangibang-bansa. Ang pagsasakripisyo ng kanilang ate ang siyang nakatulong para magkaroon sila ng karagdagang pangmatrikula. Nasa ikatlong taon na siya ng hayskul, saktong mag-iisang taon na sa ibayong-dagat si Ate Talaw ng makatanggap ang kanilang pamilya ng kauna-unahang balikbayan box. Sa unang pagkakataon sa kanilang buhay ay nakatanggap sila ng mga kamisetang bago, hindi pamana at espesyal pa eto sapagkat nakadikit sa isang masking tape ang label na nanang, tatang, Makneg, Sugit at iba pa nilang mga kapatid. Magpahanggang ngayon ay nakatago pa rin ang kauna-unahang bagong damit na natanggap niya bilang regalo. Ingat na ingat siya noon na baka ito’y magkaroon ng mantsa kaya sa espesyal na okasyon lamang niya eto isinusuot.

Animo’y nagising siya sa pagkakaidlip ng may munting kamay na kumalabit sa kanya. Ang pamangkin pala niyang si Mabikas, anak ng kanyang ate Layad. “Uncle, nakatulog na po kayo?” pangungulit ng bata. Napangiti si Makneg at napausal ng taimtim na pananlangin ng pasasalamat sa Poon. Hindi nasayang ang pagsasakripisyo ng kanilang mga magulang. Mabubuti lahat ang kanilang kalagayan. Nakapagtapos si Makneg bilang isang doktor. Apat sa kanyang mga kapatid ang naging guro, dalawa ang inhenyero, dalawa ang nakapag- abroad at dalawa na ang naging negosyante ng gulay. Tama ang kanilang mga magulang, kapag may tiyaga tiyak na pinagpapala. Marami na ring positibong pagbabago, naipaayos na nila ang kanilang dating kubo at naging tatlong palapag na. Kahit sabay-sabay silang magbabakasyon sa Baryo Madagem ay kasya silang magkakapatid sa kanilang bahay. Bitbit ang isang karton ng panghimuko, magaan ang kaloobang humakbang siya patungo sa kanyang silid. Bukas, maraming pagkakalooban ng “panghimuko ng pag-asa” sa kanilang medical mission. Sa maikling programa bago ang medical mission, titiyakin niyang ikukuwento niya ang “alamat ng panghimuko” at muling bigyang-buhay ang mga nakakapagbagong-kaisipan tungo sa pag-angat, mga litanya na puno ng pang-eengganyo ng butihing-gurong si Gng. Maangat.


Susie Bangles-Baldo is a proud Igorota who belongs to the ethnolinguistic group Kankana-ey and a mother of three, two curious lads and a vigorous lassie. She spent her childhood savoring the blessings of simplicity in the ili; sidking-aparador, Chinese garter, bebe-ey (bahay-bahayan), climbing the caimito and swimming in the river were among the sundry fondest reminiscences that contributed to her yearning of going back to basics and reviving Indigenous poetry.

Susie is interested in the advancement of indigenous mental health and wellbeing that is grounded from the grassroots. She appreciates all sorts of writings (genially calling it as #KaisipangMalaya); believing that these are expressions of a person’s innermost thoughts and feelings, longings, hopes and dreams. Poetry is viewed as a vehicle that succor in reconnecting the dots from the past to make the present-day an opportunity for unlearning, relearning and development.

9+
Share this page

Leave a Reply