“Saad”

House and Sea


Kung hindi man ito ang oras
Upang ika’y aking muling masilayan,
Aking pagtingin ay hindi magmamaliw,
Kailanma’y ‘di mawawala.
Sa paglaya ng pupungas-pungas na buwan
Mula sa kanyang mariing paghimbing,
Siya namang paghikab ng araw–
Pagod na’t umiiling-iling.
Gabi na ba o sadyang makulimlim?
Oras na ng inaantay na katahimikan
At kapayapaang saglit lang din yata.
Dinig ko ang walang humpay na dalisdis
Ng musikang nakakamangha,
Ang hagalpak na tawa ng mga masaya;
Taimtim na dasal ko’t pagtangis,
Buong alay sa Panginoong Maylikha.
Dahil, maski wala na, wala na ako
Sa matamis na piling mo’t pag-ibig,
Hindi ako makakalimot–
Ah, ‘wag nga naman sana!
Heto’t pamasid-masid at inaantok na.
O, aking lupang pinagmulan,
Dahilan ng aking kulay na taglay–
Dugo ma’y kailangang dumanak,
Masisilbing malapot na tinta;
Punyal kong pansugat at panulat,
Isasaksak sa mga diwang nagpupumiglas.
Aking bayang pinaglalaban,
Sa ‘yo ako namulat at nagkabuhay–
At sa ‘yong palad pa rin ako
Babalik at walang sawang hihimlay.

3+
Share this page

Leave a Reply